Wednesday, August 30, 2006

Gratitude of a Teacher to a Student and a Friend

May ilang taon din akong nakisalamuha sa kabataan noong nasa Pinas ako. Isa akong guro, sabi nga nila hindi mo man gustuhin, magkakaroon ng impluwensya sa iyo ang mga esudyante mo, bawat isa sa kanila, magkakaroon ng tatak sa pagkatao nila ang pagkakalilanlan nila sa iyo.

Sa ikalawang taon ng aking pagtuturo, pagkatapos ng graduation ko sa kolehiyo, sa mga kamay ng mga 4th year High School students ako bumagsak. Advisory ko ang klaseng 4C. Mga salitang aking nagamit para ilarawan ang mga bata sa klaseng un: batang kalye, delingkwente, tamad mga walang pangarap sa buhay. Walang pakundangang magsigawan sa pasilyo ng paaralan, at parang snack lang ang pgmumura sa kanila, hindi na bago kung makarinig ka sa pagpasok mo sa araw-araw. Nasabi ko na lang, isang taong kalbaryo, wala akong magawa, kailangang mabuhay.

Ngunit sa paglipas ng ilang buwan, ang mga estudyanteng tinawag kong delingkwente ang sa huli'y nakauunawa at nakapagpahalaga sa bawat maliliiit at malalaking bagay na ginagawa ko bilang isang guro. Hindi ako naiwan sa ere at naging panibagong araw ang bawat pagpasok ko sa klaseng un: panibagong araw para mabigyan ng bagong kaalaman ang mga batang nangangailangan.

Si Vicky, isa sa mga commoners ng klase. Mawala man sa klase, hindi halata. Ordinaryong bata, minsan masipag, minsan hindi. Masigla, aktibo sa pagsali sa mga activities sa paaralan, responsable, maasahan. Sa una hindi mo masasabing masayahin, ordinaryo. Sa mga kaibigan at malalapit na kaklase umiikot ang buhay nya. Bawat isa sa kanila ay tinuturing nyang kayamanan, pinahahalagahan.

Sa ilang mga huling buwan ko din nakilala ng maigi si Vicky. Nagsimula syang maging open sa akin. Sabihan ng sama ng loob, sikreto at mga impit na kilig sa ilang mga crushes sa labas at loob ng school. Palatawa, palaging nakangiti. Naging malapit si Vicky sa akin sampu ng ilang mga kaibigan nya.

Sa mga ilang huling araw ko sa Pinas, sila ang minsa'y aking nakasama. Hindi ko pinaaalam sa aking mga estudyante ko ang aking tirahan sa kadahilanang malapit ito sa paaralan na pinagtatrabahuhan ko at malapit sa ilang tirahan ng mga estudyante ko. Minsan isang bakasyon nagulat ako't nakarting sila sa bahay ko. Pinagtanong-tanong kung saan nakatira ang isang Teacher Philip. Madaling matunton kasi ako lang naman ang "Teacher Philip" sa lugar namin. Ang may pakana, si Vicky.

Minsang nakasama ko sila sa bahay ng isang kaibigan, nilulubos ang mga ilang huling araw ko sa Pinas kasama ng mga masasayahing tao. Minsan naikwento ko rin sa kanila ang mga ilang bagay tungkol sa akin. Mga bagay na minsan naikukuwento ko lang sa aking mga kaibigan. Naging maluwag na ang loob ko sa mga ordinaryong esrudyante na ito. Taimtim silang nakinig sa aking mga kwento, nakitawa nalungkot sa mga iilang eksena. Sa una'y naiisip ko na nakaapekto ako sa buhay nila, at sa mga ilang araw, nakasama ako sa mundo nila, at nakaapekto sila sa aking pagkatao at prinsipyo bilang isang guro.

Minsang nakikinig kami ng radyo, tumugtog ang "Superstar" ni Jamelia. "Sir, para sa inyo po yang song na yan". Napangiti ako, sa buhay ng usang ordinaryong bata, isa akong Superstar. Bago ako umalis, minsan nasabi ko sa kanila, pagbalik ko sama-sama ulit tayo tapos nightlife tayo, siguro sa panahon na yun legal na kayong umuwi ng madaling-araw.

Isang araw bago ako umalis, sabay-sabay silang nagpaalam sa akin. Sabi ko babalik pa ako at magkikita pa tayo.

Madalas ang palitan ng mga emails at messages. Pagkatapos nun, patuloy sya sa pag-aaral nya, ako sa pagtuturo kaya dumalang ang balitaan.

Nagulat na lang ako ng marinig ko ang isang balita kahapon. Wala na si Vicky. Inatake ng hika noong Linggo pagkatapos magtraining ng volleyball. Inalok ng kasama sa bahay na dalhin sa hospital ngunit sabi nya hintayin nya muna ang nanay nya, pagkadating ng nag-aalalang ina nagpaalam sya na pupuntang CR bago umalis at pagkalabas ng pasilyas nasabi na lang nya na "Ma, hindi ko na kaya" pagkatapos ay hinimatay. Dead on arrival ang sabi sa ospital. Naalala ko ang mga ilang huling araw na magkakasama kami ni Vicky at nang kanyang mga kaibigan. Hindi ko akalaing na ganun lang kabilis ang mga pangyayari. Masasayang alaala at masiglang Vicky ang aking naaalala, hindi ako makapaniwala.

Ordinaryong estudyante, nabansagang delingkwente ngunit sa huli'y may mga bagay pala silang mga estudyante ang magtuturo sa estudyante ng ilang bagay.

Ang pangakong muling pagkikita, itutuloy ko pa rin. Kasama ng ilang mga kaibigan, kahit wala na si Vicky. Alam ko kahit na hindi namin sya kasama, daladala na rin namin ang kanyang alaala at masasabi naming nandyan lang sya, katulad ng madalas nyang gingawa, nanonood, nakikinig at nakikitawa sa mga kwentuhan.

Hindi ko makakalimutan kung papapanong ang isang ordinaryong estudyante ang makakapagturo sa isang guro na katulad ko kung pano makatagal sa pagtahak na daan ng buhay. Nagiba ka man ng daan, nawala sa aming tabi, balang-araw magkakasama din ulit tayo. Hindi ka man namin kapiling alam namin na masaya ka.

Salamat at paalam...

No comments: