Eksakto isang taon, sa ganitong oras, nakasakay ako sa van. Maraming tao ang kumakausap sa akin pero lutang ang utak ko. Kaba, takot, kalungkutan, pagkasabik at kaunting kaligayahan...naisip ko wala na akong magagawa, sa totoo lang, meron pa, pero pinili kong hindi lumingon pabalik. Naghihintay sa akin ang bagong buhay, kapalarang dapat tuparin at pangarap na dapat abutin. Walang dahilan para sumuko.
Maraming problema ang aking kinaharap sa airport. Baggage check na isa-isang tatanungin kung para saan ang dala mo. Sa immigration check ko lang naalala ang pinakamahalagang bagay na nakalimutan ko bago ako umalis ng bahay; ang address na aking tutuluyan sa Thailand. Ilang minutong tanungan, bilangan ng pera at pagpapaschedule ng tiket papalik. Ang pang3buwan na tiket bago bumalik, naging pang 1 linggo. Gusto kong nang sumuko, na isa itong senyales na hindi magiging maganda ang buhay mo. Ngunit pinili ko pa ring harapin ito.
Pagpapaalam... ang pinakamasaklap sa lahat. Gusto ko mang itanim sa isip ko na pansamantala lang ang pagkawalang ito, na pagkatapos ng ilang buwan o taon, muli akong babalik ngunit makita ang lungkot sa mga mata ng pamilya ko, nag-umpugan ang langit ang lupa, naiipit ako sa gitna. Subalit pinakita ko sa lahat na, maging maayos ang lahat, na wala silang dapat intindihin.
Sa paglipad ng eroplano, sa tabi ng bintana, nakikita ko kung pano lumiliit ang mundong dating kinagagalawan ko, unti-unting natutunaw, lumalabo, nawawala. Naluha ako. Matapos ang ilang oras, bagong tanawin ang aking nakita sa tabi ng bintana, liwanag na mas maliwanag sa Maynila, mas malawak na lupain. May saya at sabik sa puso ko, nakikita ko na ang magiging bgong buhay ko.
Bumaba ng eroplano, kinuha ang kamuntikang mawalang bagahe, sinalubong ang naghihintay na kaibigan, umuwi sa bagong tahanan at nagpahinga kasama ang tinig sa aking utak na "Harapin mo ang bagong buhay at pangarap na naghihintay sa'yo."
Kinabukasan, sa pagaayos ng gamit ko, nalaman kong nawawala ang passport ko. Kasabay nito ang takot at malaking pagkabahala. Nasa malayong lugar ako ng walang pangalan.
Kasabay na pangarap ang takot, kasama ang lungkot, ilang gabi sa ilang buwan napapaiyak ako. Parang gusto ko nang umuwi, ngunit pano. Iniisip ko na lang noon na un ang dahilan kaya siguro nawala ang passport at tiket ko, napauwi na lang akong bigla. Sa loob ng 22 taon ng buhay ko, kasama ko ang pamilya ko, walang panahon na nawala ako sa puder ng mg magulang ko, minsan sa aking kabataan, nagbakasyon ako sa probinsya at pagkatapos ng ilang araw, muli akong pinasundo ng aking ina dahil sa lungkot at pagaalala. Kaya sa unang linggo na hindi ko sila kasama, parang gusto kong tumawin ng lupa at iluwa sa Caloocan.
Matapos ang ilang araw nakahanap ng mapagkukuhanan ng pera. Kasabay na rin nito ang pagiging manhid na ng utak ko sa problema ko. Minsan naging pabaya ako, sa kadahilanang mapalitan ang pagkalungkot, namasyal ako sa ilang lugar. Kasama ang ilang tao, gumastos ng ilang halaga sa maraming pagkakataon. Hindi inalintana ang takot na mahuli, ikulong at pabalikin sa Pilipinas. Ilang buwan din na minsan nakalimot ako sa totoong silbi ko sa mundo, sa pamilya ko. Hanggang sa pagdating ng isang kaibigan, unti-unti nyang pinakita sa akin ang mundo, kung saan ako pwede dalhin ng mga pangarap ko, mas malayo pa sa mga napuntahan ko. Unti-unting nagkaroon ng liwanag ang buhay ko at lakas ng loob upang lutasin ang problema ko. Sa ilang linggo, naging gabay ko ang taong ito, hanggang sa sya naman ang umalis, para abutin ang kanyang pangarap.
Minsan din na nagkamali ako ng pinili ng taong sasamahan. Sabi ng mama ko, problema ko na raw un noong bata pa ako. Naging mapagbigay daw ako sa kaibigan na wala nang naiiwan sa sarili ko, at kapag nawala sila, lugmok na ang mundo ko. Napagisip-isip ko ang mga bagay na yun. Katulad ng nangyari sa akin, ngunit ang pagkakaiba hindi ko piniling malugmok ang mundo ko. Lumaban ako. Pinakita ko na hindi ilang taong di karapat-dapat ang sisira sa mga pangarap ko. Tumayo ako at muling lumaban karamay ang mga tunay na taong nagmamalasakit. Harapan nila akong dinadagukan sa mga pagkakamali, iuntog sa pader para matauhan sa ilang pagkakataon na nawawala ako sa sarili at kasamang nakikisaya sa mga bagay na aking naabot.
Hindi sila nagbubulagbulagan sa totoong kulay ng mundo. Matapang nilang inaakyat ang bundok ng kanilang pangarap kahit may ilang hinahawakan sila sa paa at pilit na hinahatak pababa. Hindi nila sinisipa ang humila, bagkus sa sariling lakas hinahatak nila ang kanilang katawan pataas. Ngayon, kasama nila akong inaakyat ang bundok ng pangarap, tinuruang wag humawak sa ibang paa para umangat at wag sipain ang mga humahatak pababa. Kasabay ang gabay ng malayong kaibigan, inspirasyon ng pamilya't kaibigan at ang mapagpalang-gabay ng Maykapal.
Ngayon, napalitan ang nawalang passport, nakuha ng bagong bisa, nagkaroon ng magandang trabaho at nilalakad ang mga papeles para sa permiso na makapagtrabaho, nagiging kasingliwanag na ng araw ang pag-asang maabot ang mga pangarap ko.
Isang taon ang lumipas, at matapos ang ilang buwan, muli kong naramdaman ang aking nadama noong nakaraang taon. Sariwang-sariwa pa sa isip ko ang mga pangyayaring yaon pero ngayon mas malakas na ang lakas na loob na harapin ang mga pangarap ko. Magbilang man ako ng ilan pang taon, alam ko magiging maliwanag ang lahat. Naging mas matapang ako na harapin ang lahat ng bagay mag-isa, kasama ko naman ang mga nagmamalasakit na kaibigan, ang inspirasyon ng pamilya, ang walang humpay na pagmamalasakit at gabay ng isang malayong kaibigan at ang walang kaduda-dudang kapangyarihan ng panalangin, alam ko may nakikinig sa akin. Handa akong magbilang pa ng taon.
No comments:
Post a Comment