Lakas-loob kong pinasok ang mundo ng pagtuturo sa Thailand. Sa isip-isip ko, hindi naman siguro mahirap, katulad din naman to ng ginagawa ko sa Pilipinas. Pagkatapos ng 2 linggo paghihintay ng tawag sa mga sinubukan pasukan na trabaho sa internet, sinubukan kong mag-apply ng personal. Sinubukang tahakin ang mga kalsadang bago sa paningin, hindi natakot na baka hindi na makabalik sa bahay. Pag may nadaanang paaralan, susubukan. Papipirmahin ka ng application form at sasabihinh tatawagan na lang sila. Unang araw, mahirap maghanap 2 school lang ang nakita ko. Ikalawang araw, pareho ng kapalaran.
Kinabukasan, nakatanggap ako ng tawag, interview daw sa isang school malayu-layo sa tirahan ko. Sige, subukan na natin. Sa interview, napansin kong parang hindi Thai ang nagiinterview sa akin, iba kasi ang accent nya sa pagsasalita. Sa Pilipinas, teacher ako ng high school, sa school na yun, Grade 2 lang ang bakante. Tinanong ako kung kaya ko ba daw, sabi ko sa sarili ko, high school nga kinaya ko, primary pa kaya. Umoo ako, kasabay ang sabing tatawagan na lang daw ulit nila ako. Pagkauwi, nagbasa ako ng email ko, nagreply ang isa sa mga inaaplyan ko sa internet, mas malaki nag kauinti ang alok kaya lang probinsya, pero tinawagan ko at sinabing pupunta ako kinabukasan. Kinaumagahan, nakatanggap ulit ako ng tawag, sa school na naginterview sa akin at pinababalik ako sa school. Nasabi ko nung una na hindi ako makakapunta, bumanat ang kaibigan ko, "loko, pinababalik ka na ibig sabihin tatanggapin ka na". Pagkarinig ng mga salitang yun, binawi ko kaagad at sinabing darating ako matapos ang tanghalian. Nung araw lang na iyon ko lang natitigan ang pangalan ng school: INTERKIDS BILINGUAL SCHOOL. Bilingual, mahusay na siguro sa English ang mga bata rito. Nakausap ko ang may-ari ng school kasama ang naginterview sa akin at ang magiging bossing ko. Umoo sa alok na sweldo, kaunting orientation, kahit alam na magkakaroon ng kaunting problema, tinanggap nila ako, bukas na ang start ko. Halos di ako makatulog sa gabi, marahil sa kaba at excitement ang magkasabay na ibinubulalas ng dibdib ko.
June 15, 2005
Madali lang to sabi ko. First period, sa kabilang section (hindi ko Homeroom class) , aba, ok pala eh, madali lang talaga. Second period (Homeroom class ko). Good morning class. Deadma ako sa pansitan. Good morning class, may isang batang sumigaw sa Thai, nagsitahimik at tumayo lahat. Gooood moooorniiiiiiing Teeeaaaaacheeeer. Pakilala, hindi pa rin ako pinapansin. Inisip ko mga bata, kailangan di ako magpakita ng terror teacher image. Nagdidiscuss ako ng lesson, may nagliliparang papel, may mga batang nagre-wrestling sa likod, may nakikinig, may nakatingin pero di ko maintindihan kung maniintindihan ako. Sinubukan kong magtanong sa isang bata, tinitigan lang ako. Tinanong ko, "Do you understand me?", patuloy sya sa pagtitig. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na periods at palala ng palala ang sitwasyon. Natapos ang araw, umuwi ako, kinausap ang kaibigan, umiiyak, ayoko ng pumasok bukas. Natulog ako, buo na ang desisyon ko. Nagising ako kinabukasan, nagsimulang magulo ang utak ko, at nagiisip na kung aayaw ako, may makukuha pa kaya akong trabaho at hindi ba mangyayari sa akin ang nangyari kahapon. Nagdasal ako, nagisip, sige pasok ulit ako. Kinabukasan, parehong sitwasyon, hindi na pwedeng maulit ang nangyari kahapon. Nagalit ako, nagimbal ang mga bata at natapos ang araw nang matiwasay.
Saka ko lang din napansin ang mga kasama ko sa trabaho, halos lahat Pilipino, nanggaling sa iba't-ibang parte ng Pilipinas. From Aparri to Jolo. Napag-isip-isip ko na kung gano kalaki ang mundo noong nasa Pilipinas kami ay syang kinaliit naman nya't nagkasama-sama kami. Nagsimulang gumanda ang unang magulong unang araw ko sa IBS. Naging maayos ang trabaho kasama ang mga kababayan. Naalala ko tuloy yung sinabi ng isang kasama ko sa school noon. Mas gugustuhin ko na maliit man ang sahod ko, at least maayos naman ang trabaho ko at pakikisama ko sa mga katrabaho ko kaysa naman malaki naman ang sahod mo kaya lang di ka naman komportable makatrabaho ang mga kasama mo. May tama sya! Maayos ang trabaho ko at maluwag ang loob ko dahil maayos ang pakikisama ko sa mga katrabaho ko. Masaya na ako don.
Kaya lang ang buhay parang gulong, naging maayos ang sumunod na buwan hanggang sa ilang buwan bago matapos ang taon, minsan akong nasubukan ng kapalaran kung karapat-dapat ako sa propesyong pinili ko. Kumalat ang mga balita tungkol sa akin, sa aking pagtuturo, sa pakikitungo ko sa aking mga estudyante, mga paninira. Ilang linggo din akong umiiyak sa gabi at pinapanalangin na kung aalisin at matatanggal din ako sa trabaho, maging maaga sana. Nakipagagutan sa kasama sa trabaho (katutubo) at napagalamang sa kanya nanggagaling ang mga kumakalat na balita na halos ikasuklam ko ng mga magulang ng aking mga estudyante. Minsan pumasok sa utak ko na napapaikot pala talaga ng pera ang mundo. Pakiramdam ng mga may pera na 'to, pag-aari na nila ang mga guro, paandarin ang pera para lang makuha lang ang gusto nila, kahit masira ang buhay ng kinaaayawan nila, kahit mawalan ako ng trabaho. Umabot sa huling buwan ng klase, nagkausap sa may-ari ng paaralan at nakaharap ang mga magulang. Hindi ko alam kung bakit ngunit nakuha ko ang tiwala ng may-ari ng IBS. Kinampihan nya ako. Naawa ako sa kanya dahil sumunod na taon kalahati ng mga bata ang sa antas na yun ang umalis ng paaralan at nabalitaang magkakasamang lumipat nang isang paaralan kasama ang gurong katutubo. Muli, kasama ng panalangin pinatunayan sa akin ng Diyos na mali ang akala mo, hindi pera ang magpapakilala sa yo sa mundo, kundi ang sarili mo mismo, ang magandang pakikitungo mo sa kapwa mo at pagkukumbaba. Nalipat ako sa ibang branch ng paaralan (IBS 3), kasama ang pangakong gagawin ko ang lahat para makabawi sa kamalasang dinala ko. Sa tulong ng mga kaibigan, unti-unti akong lumaban, tinulungan ako isipin na di ko kasalanan ang mga nangyari. Ngayon nagsisimula akong bumawi.
Ngayon, nasa bagong kapaligiran, bagong antas na tinuturuan at bagong responibilidad na dapat gampanan. Mas mabigat kaysa sa nakaraang taon, susuko ba ako o hararapin ko ng buong tapang ang mga challenges na to?
Isang taon, masasabi kong di rin naging mganda ang performance ko, kasama ang mga di naiwasang pangyayari ngunit salamat sa tiwala ng mga kaibigan at ng mga bisor. Pinapangako ko sa inyo, hindi ko kayo bibiguin. Isang pagkakataon para sa sarili ko na di dapat sayangin.
1 comment:
hehehe,. sir ipe. may blog na rin! heheheeheh
isang taon ka na pala dyan sa thailand? hwwwoooooohhhhhh!!!!!!! hehehehe
anyway, visit nyo ang blog ko para makita nyo ang improvement ko bilang isang tao.
http://toddicediver.blogspot.com
Post a Comment