Thursday, June 15, 2006

First Year of Teaching in Thailand

Lakas-loob kong pinasok ang mundo ng pagtuturo sa Thailand. Sa isip-isip ko, hindi naman siguro mahirap, katulad din naman to ng ginagawa ko sa Pilipinas. Pagkatapos ng 2 linggo paghihintay ng tawag sa mga sinubukan pasukan na trabaho sa internet, sinubukan kong mag-apply ng personal. Sinubukang tahakin ang mga kalsadang bago sa paningin, hindi natakot na baka hindi na makabalik sa bahay. Pag may nadaanang paaralan, susubukan. Papipirmahin ka ng application form at sasabihinh tatawagan na lang sila. Unang araw, mahirap maghanap 2 school lang ang nakita ko. Ikalawang araw, pareho ng kapalaran.

Kinabukasan, nakatanggap ako ng tawag, interview daw sa isang school malayu-layo sa tirahan ko. Sige, subukan na natin. Sa interview, napansin kong parang hindi Thai ang nagiinterview sa akin, iba kasi ang accent nya sa pagsasalita. Sa Pilipinas, teacher ako ng high school, sa school na yun, Grade 2 lang ang bakante. Tinanong ako kung kaya ko ba daw, sabi ko sa sarili ko, high school nga kinaya ko, primary pa kaya. Umoo ako, kasabay ang sabing tatawagan na lang daw ulit nila ako. Pagkauwi, nagbasa ako ng email ko, nagreply ang isa sa mga inaaplyan ko sa internet, mas malaki nag kauinti ang alok kaya lang probinsya, pero tinawagan ko at sinabing pupunta ako kinabukasan. Kinaumagahan, nakatanggap ulit ako ng tawag, sa school na naginterview sa akin at pinababalik ako sa school. Nasabi ko nung una na hindi ako makakapunta, bumanat ang kaibigan ko, "loko, pinababalik ka na ibig sabihin tatanggapin ka na". Pagkarinig ng mga salitang yun, binawi ko kaagad at sinabing darating ako matapos ang tanghalian. Nung araw lang na iyon ko lang natitigan ang pangalan ng school: INTERKIDS BILINGUAL SCHOOL. Bilingual, mahusay na siguro sa English ang mga bata rito. Nakausap ko ang may-ari ng school kasama ang naginterview sa akin at ang magiging bossing ko. Umoo sa alok na sweldo, kaunting orientation, kahit alam na magkakaroon ng kaunting problema, tinanggap nila ako, bukas na ang start ko. Halos di ako makatulog sa gabi, marahil sa kaba at excitement ang magkasabay na ibinubulalas ng dibdib ko.

June 15, 2005
Madali lang to sabi ko. First period, sa kabilang section (hindi ko Homeroom class) , aba, ok pala eh, madali lang talaga. Second period (Homeroom class ko). Good morning class. Deadma ako sa pansitan. Good morning class, may isang batang sumigaw sa Thai, nagsitahimik at tumayo lahat. Gooood moooorniiiiiiing Teeeaaaaacheeeer. Pakilala, hindi pa rin ako pinapansin. Inisip ko mga bata, kailangan di ako magpakita ng terror teacher image. Nagdidiscuss ako ng lesson, may nagliliparang papel, may mga batang nagre-wrestling sa likod, may nakikinig, may nakatingin pero di ko maintindihan kung maniintindihan ako. Sinubukan kong magtanong sa isang bata, tinitigan lang ako. Tinanong ko, "Do you understand me?", patuloy sya sa pagtitig. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na periods at palala ng palala ang sitwasyon. Natapos ang araw, umuwi ako, kinausap ang kaibigan, umiiyak, ayoko ng pumasok bukas. Natulog ako, buo na ang desisyon ko. Nagising ako kinabukasan, nagsimulang magulo ang utak ko, at nagiisip na kung aayaw ako, may makukuha pa kaya akong trabaho at hindi ba mangyayari sa akin ang nangyari kahapon. Nagdasal ako, nagisip, sige pasok ulit ako. Kinabukasan, parehong sitwasyon, hindi na pwedeng maulit ang nangyari kahapon. Nagalit ako, nagimbal ang mga bata at natapos ang araw nang matiwasay.

Saka ko lang din napansin ang mga kasama ko sa trabaho, halos lahat Pilipino, nanggaling sa iba't-ibang parte ng Pilipinas. From Aparri to Jolo. Napag-isip-isip ko na kung gano kalaki ang mundo noong nasa Pilipinas kami ay syang kinaliit naman nya't nagkasama-sama kami. Nagsimulang gumanda ang unang magulong unang araw ko sa IBS. Naging maayos ang trabaho kasama ang mga kababayan. Naalala ko tuloy yung sinabi ng isang kasama ko sa school noon. Mas gugustuhin ko na maliit man ang sahod ko, at least maayos naman ang trabaho ko at pakikisama ko sa mga katrabaho ko kaysa naman malaki naman ang sahod mo kaya lang di ka naman komportable makatrabaho ang mga kasama mo. May tama sya! Maayos ang trabaho ko at maluwag ang loob ko dahil maayos ang pakikisama ko sa mga katrabaho ko. Masaya na ako don.

Kaya lang ang buhay parang gulong, naging maayos ang sumunod na buwan hanggang sa ilang buwan bago matapos ang taon, minsan akong nasubukan ng kapalaran kung karapat-dapat ako sa propesyong pinili ko. Kumalat ang mga balita tungkol sa akin, sa aking pagtuturo, sa pakikitungo ko sa aking mga estudyante, mga paninira. Ilang linggo din akong umiiyak sa gabi at pinapanalangin na kung aalisin at matatanggal din ako sa trabaho, maging maaga sana. Nakipagagutan sa kasama sa trabaho (katutubo) at napagalamang sa kanya nanggagaling ang mga kumakalat na balita na halos ikasuklam ko ng mga magulang ng aking mga estudyante. Minsan pumasok sa utak ko na napapaikot pala talaga ng pera ang mundo. Pakiramdam ng mga may pera na 'to, pag-aari na nila ang mga guro, paandarin ang pera para lang makuha lang ang gusto nila, kahit masira ang buhay ng kinaaayawan nila, kahit mawalan ako ng trabaho. Umabot sa huling buwan ng klase, nagkausap sa may-ari ng paaralan at nakaharap ang mga magulang. Hindi ko alam kung bakit ngunit nakuha ko ang tiwala ng may-ari ng IBS. Kinampihan nya ako. Naawa ako sa kanya dahil sumunod na taon kalahati ng mga bata ang sa antas na yun ang umalis ng paaralan at nabalitaang magkakasamang lumipat nang isang paaralan kasama ang gurong katutubo. Muli, kasama ng panalangin pinatunayan sa akin ng Diyos na mali ang akala mo, hindi pera ang magpapakilala sa yo sa mundo, kundi ang sarili mo mismo, ang magandang pakikitungo mo sa kapwa mo at pagkukumbaba. Nalipat ako sa ibang branch ng paaralan (IBS 3), kasama ang pangakong gagawin ko ang lahat para makabawi sa kamalasang dinala ko. Sa tulong ng mga kaibigan, unti-unti akong lumaban, tinulungan ako isipin na di ko kasalanan ang mga nangyari. Ngayon nagsisimula akong bumawi.

Ngayon, nasa bagong kapaligiran, bagong antas na tinuturuan at bagong responibilidad na dapat gampanan. Mas mabigat kaysa sa nakaraang taon, susuko ba ako o hararapin ko ng buong tapang ang mga challenges na to?

Isang taon, masasabi kong di rin naging mganda ang performance ko, kasama ang mga di naiwasang pangyayari ngunit salamat sa tiwala ng mga kaibigan at ng mga bisor. Pinapangako ko sa inyo, hindi ko kayo bibiguin. Isang pagkakataon para sa sarili ko na di dapat sayangin.

Monday, May 29, 2006

Nagbibilang ng Taon...

Eksakto isang taon, sa ganitong oras, nakasakay ako sa van. Maraming tao ang kumakausap sa akin pero lutang ang utak ko. Kaba, takot, kalungkutan, pagkasabik at kaunting kaligayahan...naisip ko wala na akong magagawa, sa totoo lang, meron pa, pero pinili kong hindi lumingon pabalik. Naghihintay sa akin ang bagong buhay, kapalarang dapat tuparin at pangarap na dapat abutin. Walang dahilan para sumuko.

Maraming problema ang aking kinaharap sa airport. Baggage check na isa-isang tatanungin kung para saan ang dala mo. Sa immigration check ko lang naalala ang pinakamahalagang bagay na nakalimutan ko bago ako umalis ng bahay; ang address na aking tutuluyan sa Thailand. Ilang minutong tanungan, bilangan ng pera at pagpapaschedule ng tiket papalik. Ang pang3buwan na tiket bago bumalik, naging pang 1 linggo. Gusto kong nang sumuko, na isa itong senyales na hindi magiging maganda ang buhay mo. Ngunit pinili ko pa ring harapin ito.

Pagpapaalam... ang pinakamasaklap sa lahat. Gusto ko mang itanim sa isip ko na pansamantala lang ang pagkawalang ito, na pagkatapos ng ilang buwan o taon, muli akong babalik ngunit makita ang lungkot sa mga mata ng pamilya ko, nag-umpugan ang langit ang lupa, naiipit ako sa gitna. Subalit pinakita ko sa lahat na, maging maayos ang lahat, na wala silang dapat intindihin.

Sa paglipad ng eroplano, sa tabi ng bintana, nakikita ko kung pano lumiliit ang mundong dating kinagagalawan ko, unti-unting natutunaw, lumalabo, nawawala. Naluha ako. Matapos ang ilang oras, bagong tanawin ang aking nakita sa tabi ng bintana, liwanag na mas maliwanag sa Maynila, mas malawak na lupain. May saya at sabik sa puso ko, nakikita ko na ang magiging bgong buhay ko.

Bumaba ng eroplano, kinuha ang kamuntikang mawalang bagahe, sinalubong ang naghihintay na kaibigan, umuwi sa bagong tahanan at nagpahinga kasama ang tinig sa aking utak na "Harapin mo ang bagong buhay at pangarap na naghihintay sa'yo."

Kinabukasan, sa pagaayos ng gamit ko, nalaman kong nawawala ang passport ko. Kasabay nito ang takot at malaking pagkabahala. Nasa malayong lugar ako ng walang pangalan.

Kasabay na pangarap ang takot, kasama ang lungkot, ilang gabi sa ilang buwan napapaiyak ako. Parang gusto ko nang umuwi, ngunit pano. Iniisip ko na lang noon na un ang dahilan kaya siguro nawala ang passport at tiket ko, napauwi na lang akong bigla. Sa loob ng 22 taon ng buhay ko, kasama ko ang pamilya ko, walang panahon na nawala ako sa puder ng mg magulang ko, minsan sa aking kabataan, nagbakasyon ako sa probinsya at pagkatapos ng ilang araw, muli akong pinasundo ng aking ina dahil sa lungkot at pagaalala. Kaya sa unang linggo na hindi ko sila kasama, parang gusto kong tumawin ng lupa at iluwa sa Caloocan.

Matapos ang ilang araw nakahanap ng mapagkukuhanan ng pera. Kasabay na rin nito ang pagiging manhid na ng utak ko sa problema ko. Minsan naging pabaya ako, sa kadahilanang mapalitan ang pagkalungkot, namasyal ako sa ilang lugar. Kasama ang ilang tao, gumastos ng ilang halaga sa maraming pagkakataon. Hindi inalintana ang takot na mahuli, ikulong at pabalikin sa Pilipinas. Ilang buwan din na minsan nakalimot ako sa totoong silbi ko sa mundo, sa pamilya ko. Hanggang sa pagdating ng isang kaibigan, unti-unti nyang pinakita sa akin ang mundo, kung saan ako pwede dalhin ng mga pangarap ko, mas malayo pa sa mga napuntahan ko. Unti-unting nagkaroon ng liwanag ang buhay ko at lakas ng loob upang lutasin ang problema ko. Sa ilang linggo, naging gabay ko ang taong ito, hanggang sa sya naman ang umalis, para abutin ang kanyang pangarap.

Minsan din na nagkamali ako ng pinili ng taong sasamahan. Sabi ng mama ko, problema ko na raw un noong bata pa ako. Naging mapagbigay daw ako sa kaibigan na wala nang naiiwan sa sarili ko, at kapag nawala sila, lugmok na ang mundo ko. Napagisip-isip ko ang mga bagay na yun. Katulad ng nangyari sa akin, ngunit ang pagkakaiba hindi ko piniling malugmok ang mundo ko. Lumaban ako. Pinakita ko na hindi ilang taong di karapat-dapat ang sisira sa mga pangarap ko. Tumayo ako at muling lumaban karamay ang mga tunay na taong nagmamalasakit. Harapan nila akong dinadagukan sa mga pagkakamali, iuntog sa pader para matauhan sa ilang pagkakataon na nawawala ako sa sarili at kasamang nakikisaya sa mga bagay na aking naabot.
Hindi sila nagbubulagbulagan sa totoong kulay ng mundo. Matapang nilang inaakyat ang bundok ng kanilang pangarap kahit may ilang hinahawakan sila sa paa at pilit na hinahatak pababa. Hindi nila sinisipa ang humila, bagkus sa sariling lakas hinahatak nila ang kanilang katawan pataas. Ngayon, kasama nila akong inaakyat ang bundok ng pangarap, tinuruang wag humawak sa ibang paa para umangat at wag sipain ang mga humahatak pababa. Kasabay ang gabay ng malayong kaibigan, inspirasyon ng pamilya't kaibigan at ang mapagpalang-gabay ng Maykapal.

Ngayon, napalitan ang nawalang passport, nakuha ng bagong bisa, nagkaroon ng magandang trabaho at nilalakad ang mga papeles para sa permiso na makapagtrabaho, nagiging kasingliwanag na ng araw ang pag-asang maabot ang mga pangarap ko.

Isang taon ang lumipas, at matapos ang ilang buwan, muli kong naramdaman ang aking nadama noong nakaraang taon. Sariwang-sariwa pa sa isip ko ang mga pangyayaring yaon pero ngayon mas malakas na ang lakas na loob na harapin ang mga pangarap ko. Magbilang man ako ng ilan pang taon, alam ko magiging maliwanag ang lahat. Naging mas matapang ako na harapin ang lahat ng bagay mag-isa, kasama ko naman ang mga nagmamalasakit na kaibigan, ang inspirasyon ng pamilya, ang walang humpay na pagmamalasakit at gabay ng isang malayong kaibigan at ang walang kaduda-dudang kapangyarihan ng panalangin, alam ko may nakikinig sa akin. Handa akong magbilang pa ng taon.

Tuesday, April 18, 2006

At Home!!!

(I wrote this blog last December 30, 2005 in my Friendster blog.)

It's the season to be jolly (pra la la la la, la la , la la), time for you to spend more quality time with your family, to show how you love them. Pero ako, I don't have the opportunity kasi malayo ako sa kanila. At least, by emails or phone calls, nakakausap ko sila.
Buti na lang, I have families here na nagpapasaya sa malungkot at malamig na pasko ko (drama....)

Family Number One: Klongtan Family



Members:Jeanny, Ate Marife, Fritz, Francis, Bryan, Ate Pinay, Kuya Reggie, Ate Cheng, Banne

Sila ang unang umalalay sa kin nung bagong dating ako dito. The one that makes me feel happy kapag nahohomesick ako and nagpapalakas ng loob ko kapag nawawalan na ko ng lakas ng loob para makahanap ng trabaho o tumuloy sa trabaho nung mga first days ko sa school.
Kaya lang everybody must move on kaya nagkahiwahiwalay na nag lugar, may lumipat ng bahay at meron ding umuwi na ng Pinas, pero bumabalik pa rin ako sa Klongtan if I have time and actually, sa kanila aka nang-spent ng aking Pasko.


Family Number Two: Carrefour and Sansabai Girls

Members: Abigail, Joy, Caryl, Helen, Cynthia, Judith, Agnes, Joanne CG, Iche, Judith, Shayne, Joanne SG, Grace, Mishel, and Richelle

Sila ang mga kasama ko sa trabaho, and mga kapitbahay. We are working in one school name but in different branches. Ang Carrefour Girls ang mga kasama ko sa bahay ngayon. Sila ang sumalo sa akin nang minsang binitiwan na ako ng pagkakataong mahanap ang mapayapang pamumuhay dito sa Bangkok. Sa pagsalong yun, kasama na rin ang mga pangaral sa buhay na ang saya ay hindi mo makikita sa ibang tao, hanapin mo ito sa pinakasentro ng puso mo. Naging masinop ako sa dating maluhong buhay y natutuong makuntento sa mga simpleang bagay. Sila ang nagpatatag ng loob ko na harapin ang mundo ng nakataas noo kahit na ang masayang mundong inaakala ko ay nakayukong tumitingin sa'kin. Sila ang second chance ko na hanapin ang magagandang bagay at tuklasin ang ganda ng buhay ng walang hinihinging kapalit. Sila ang nagpatunay sa kahulugan ng tunay na kaibigan.

I'm very grateful that I met this type of persons, bihira ang mga species ng ganitong uri ng tao, siguro dahil alam namin na pare-pareho kaming malayo sa aming tunay na tahanan at wala nang ibang magtutulungan kundi kami-kami ring mga Filipinos dito. Tinuruan nila ako na hindi magiging madali ang mga bagay dito pero kailangan tatagan ang loob para maappreciate mo lahat ng maaachieve mo at hindi magmata sa sandaling naging maganda ang disposisyon mo ngayon.

Salamat sa inyo guys!

Tuesday, March 28, 2006

Mga Kwento nang Pag-ibig

Karugtong na sa buhay ng tao ang pag-usapan ang tungkol sa pag-ibig. Ang pagkwento sa mga karanasang pang-Maalaala mo Kaya. May malungkot, happy-ending, adventure, minsan may horror pa. ilan ito sa ilang kwentong tumatak sa isip po galing sa mga taong aking nakasalimuha.

Mahal nila ang isa't-isa, handa na silang harapin ang buhay na sabay nilang uusungin ang maalon na takbo ng buhay, plano na ang kanilang kasal. Isang gabing nagaway sila, umuwi ang lalaki na may bigat sa kalooban at ang babae na may luha sa mata. Sa pagsikat nang araw nang sumunod na araw, kasama sa paggising ng babae ang balitang aksidente ng lalaki. Hindi nakadalaw ang babae sa ospital, isang beses na pinilit nyang kausapin ang lalaki sa telepono, inaalala ang nakaraan, pagpapatawad sa mga kasalanan at muling pagtanggap sa isat-isa. Pagkatapos ng pag-uusap, ay ang huling hiningang binigay ng lalaki para sa babae. Ngayon, kakambal na sa alaala ng babae ang alaala ng kanyang mahal kahit sa pagsuong nya sa buhay sa ibang bansa. Ginamit nyang inspirasyon ang malungkot na alaala ng pag-ibig.


Sampung taon ding tumagal ang kanilang pag-ibig. Marami nga sa kanilang kaibigan ang nagsasabing sila na talaga ang para sa isa't-isa. Nang dahil sa kahirapan sa buhay, kahit masakit sa loob ng isa't-isa ay pinili ng babae ng lumipad at hanapin ang kapalaran sa ibang bansa. Malungkot ang naging pagpapaalam nila sa isat'sa. Patuloy ang kanilang komunikasyon, palitan nang mga sulat at makuntento sa maliit na oras na muling iparamdam sa isa't-isa ang kanilang pagmamahalan. Inspirasyon ng babae ang kanilang alaala sa araw-araw na pagsusumikap sa ibang bansa. Pagkatapos ng 3 buwan, muling bumalik ang babae sa Pilipinas, sa kanilang probinsya. Pasalubong sa kanya ang balitang may ibang kasintahan na ang lalaki at nasa Maynila. Kasabay rin nito ang pagtunaw ng manipis na hibla ng komunikasyon ng dalawa. Pagkatapos ng ilang buwan, muling nagplano ang babae na pumunta sa ibang bansa, sa aitport muli silang nagkita. Bago sumakay ng eroplano ang babae, muling nagkausap ang dalawa, nagkapatawaran at sa huling pagkakataon ay higpit-yakap nilang tinanggap ang mga pangyayari sa kanilang buhay, ang pag-amin sa kanilang sarili na magkahiwalay na nilang hanapin ang kanilang kapalaran.


Mga kwentong pag-ibig, sa huli, ang alaala at pagpapatawad ang naging daan na kahit malungkot ang katapusan, pag-ibig ang nagturo sa bawat isa sa kanila na patuloy ang buhay at walang katapusan ang paghahanap ng bawat isa sa atin sa tunay at wagas na pag-ibig